MAY tiwala pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Presidential Assistant for the Visayas Mike Dino kahit isang petisyon ang umuusad na humihiling na ipatanggal siya sa puwesto dahil sa umano’y pag-abuso sa kapangyarihan at sinabing pagkakasangkot sa iregularidad sa P1-bilyong pondo ng Cebu City kontra COVID-19.
Sa Palace virtual press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, habang nasa puwesto si Dino sa kabila ng mga naisiwalat na kinasasangkutang mga iregularidad, nangangahulugan na may tiwala pa rin sa kanya si Pangulong Duterte.
Aminado si Roque na hindi mapipigilan ng Palasyo ang online petition laban kay Dino.
“Well, isantabi muna po natin ang politika ‘no. Iyong online petition, hayaan po natin ang mga gumagawa niyan, hindi po natin mapipigilan iyan. Pero as to the issue of resignation, we all serve at the pleasure of the President po, kapag nawalan ng tiwala ang Presidente, goodbye Cabinet member. Pero sa ngayon po, nandiyan pa rin po si Secretary Diño, so may tiwala pa rin po ang Presidente kay Secretary Dino,” ani Roque.
Kaugnay nito, inihayag ni Sen. Christopher “Bong”Go na dapat kasuhan si Dino kung may mga ebidensiya na magpapatunay sa mga alegasyon sa online petition kahit ‘kaibigan’ nila ang sangkot.
“Kasuhan dapat if dapat kasuhan kahit kaibigan namin ni PRRD,” sabi ni Go.
Napag-alaman na si Dino ay isa sa mga tumulong sa kampanya ni Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections ngunit ang mas malaking grupo ng Cebuano na umayuda rin ay naetsapuwera nang maluklok siya sa OPAV.
Nakalikom na ng 4,452 ang online petition na humihiling na patalsikin si Dino na pinangunahan ni Juan Alfafara.
Tinukoy sa petisyon laban kay Dino na nakikipagsabwatan siya sa ilang lokal na opisyal ng Cebu City sa kuwestiyonableng paggasta sa P1-B pondo ng siyudad sa kampanya kontra COVID-19.
Ang Cebu City ang itinuturing ngayon na epicenter ng pandemya sa Filipinas dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Kaya ang solusyon po para sa Cebu, magpadala ng mas maraming doktor – at nagpadala na po ang Hukbong Sandatahan natin – mas maraming nurses, mas maraming ventilators. At magbibigay na rin po ng tents ang Philippine National Red Cross to augment iyong mga emergency facilities ng ating mga ospital diyan sa Cebu,” sabi ni Roque. (ROSE NOVENARIO)