HINDI pabor si Ormoc City Mayor Richard Gomez sa eskemang ‘home quarantine’ para sa returnees sa kanilang siyudad mula sa Metro Manila at iba pang karatig lugar.
Sinabi ng akalde na mas malaki ang tsansa na kumalat ang coronavirus disease (COVID-19) at magkaroon ng community transmission kapag ipinatupad nila ang home quarantine sa kanilang siyudad.
Katuwiran ni Gomez, sa kulturang Pinoy, kalimitan ay mahigit sa isang pamilya ang nakatira sa isang maliliit na bahay kaya malaki ang tsansa na magkahawaan sila at makapagkalat ng sakit sa paglabas nila.
Sa ulat ng Department of Health, mula sa pagiging COVID-free ay isa na sa itinuturing na emerging hotspot sa bansa ang Ormoc City kasama ang Southern Leyte, Leyte, at Samar.
Aminado si Gomez na 53 ang nagpositibo sa kanilang siyudad na pawang returnees ngunit sila’y nasa isolation facility.
Lahat aniya ng returnees ay inilalagay muna sa 14-day quarantine sa isang NHA project na hindi pa natitirahan, isinasailalim sa swab test, may libreng pagkain, at toiletries.
Ipinanukala ni Gomez kay Interior and Local Government Secretary Edaurdo Año na suspendehin ang incoming trips sa loob ng dalawang linggo o mula 1-15 Hulyo 2020.
“I think that’s good, because we will have enough time to let the other returnees to graduate, we’ll be able to disinfect our facilities, we will be able to rotate our medical staff. It will give us ample time to prepare for the next batches that will be coming in Ormoc City,” ani Gomez sa panayam sa CNN Philippines.
Ang pagdagsa aniya ng returnees ay maaaring hindi kayanin ng ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan.
Ipinagmalaki ng alkalde na lahat ng residente ng Ormoc City ay pinagrerehistro sa QR Code system upang magamit sa contact tracing habang ang lahat ng gusali, establsimiyento, tanggapan ng gobyerno, ay dapat magkaroon ng QR code scanner.
Matatandaan na binatikos ni Gomez noong nakalipas na buwan ang kawalan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang Hatid Probinsya program ng national government kaya hindi napaghandaan nang maayos ang pagdating ng returnees mula sa Metro Manila. (ROSE NOVENARIO)