UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang concerned agencies na pabilisin ang pagbibigay ng benepisyo sa mga centenarian base sa nakasaad sa batas.
Ito ay pagsasaprayoridad sa kapakanan ng matatanda lalo ngayong mayroong kinakaharap na health crisis bunsod ng pandemyang COVID-19.
Sinabi ni Go, hindi na dapat pahirapan ang 100 years old sa paghihintay ng kanilang benepisyo na nakasaad sa batas na dapat bigyan ng P100,000 mula sa gobyerno.
Binigyang diin ni Go, malaki ang magagawa ng ibibigay na tulong ng gobyerno sa pang-araw-araw na gastusin ng centenarians hindi lamang ngayong panahon ng pandemic kundi dahil sila ay nararapat.
Ang panawagan ni Senator Go ay nag-ugat nang makarating sa kanyang tanggapan na isang Aurea Corpuz mula sa Alaminos, Pangasinan ang naghihintay sa kanyang cash gift mula nang magdiwang ng kanyang 100th birthday noon pang August 2019.
Kaugnay nito, tiniyak ng DSWD na matatanggap ni Lola Aurea ang kanyang benepisyo ngayong linggo.
Ipinaalala ni Go, na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabing huwag patagalin ang serbisyo at benepisyo para sa tao. (CYNTHIA MARTIN)