KARAGDARANG pasilidad para sa kalusugan ang isa sa prayoridad ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kaya’t masaya nitong inianunsiyo ang pagtatayo ng 10-palapag “Bagong Ospital ng Maynila (OsMa)” sa ginanap na groundbreaking ceremony kasama si Vice Mayor Honey Lacuna, sa paggunita ng ika-449 Araw ng Maynila.
Malugod na pahayagi ni Moreno, magkakaroon ng first class health care institution, state of the art, flagship hospital ang lungsod na kayang makipagsabayan sa mga premyadong pagamutang tulad ng St. Luke’s at Makati Medical Center.
Napag-alaman kay city engineer Armand Andres na hindi na kayang remedyohan pa ang lumang OsMa matapos ang ilang ulit na ginawang renovation sa gusali.
Sa naganap na groundbreaking ay dumalo sina OsMa Director, Dr. Karl Oliver Laqui, Architect Pepito Balmoris, at EENT head Dr. Jay Galvez, barangay chairmen Jim Adriano at Mark Delfin at city councilors mula sa 5th District.
Ayon kay Mayor Isko, nais niyang maramdaman sa itatayong Bagong Ospital ng Maynila, ang mahihirap na residente ng lungsod ay espesyal at tunay na maaalagaan sa isang ospital na first class ang serbisyo at mga kagamitan.
Nalaman kay Engr. Andres, ang itatayong ospital ay may 10 palapag sa loteng may sukat na 21,951 square-meter.
Napag-alaman na ang makabagong OsMa ay magkakaroon ng 384-bed capacity, 12 intensive care units (ICUs), 20 private rooms, spacious emergency room, helipad at iba pang esensiyal na pasilidad
Sa itaas na palapag, ilalagay ang maayos na tanggapan ng mga doctor, staff, at administration na target matapos ang modernong ospital sa loob ng isang taon at kalahati, ayon kay Andres.
“I would want the poor patients to feel that they are being well taken care of up to their last breath and that they have been provided with the best medical care possible in a hospital that is airconditioned, clean and beautiful,” ayon kay Isko.
“Hindi kailangang public hospital e public din ang itsura. Ang isang mahirap, makaramdam man lamang ng tunay na pagkalinga sa kanyang huling hininga man lang, ‘yun ang goal natin,” giit ng alkalde.
Kaugnay nito, sinabi ni Andres na kasama sa planong rehabilitasyon ng OsMa ay pagtatayo ng school building na katabi ng ospital para sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Medicine upang bigyan ng oportunidad ang mga produkto ng PLM na maging doktor at nurse sa hinaharap. (BRIAN BILASANO)