LABING-DALAWANG pulis ang ipinakulong, dinisarmahan at sinibak sa puwesto ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo matapos matakasan ng anim na Chinese nationals sa Camp Karingal.
Ayon kay Montejo, kasabay ng pagkakasibak, kanya rin dinisarmahan at ipinakulong ang mga pulis sa detention cell ng Criminal Invesrigation Unit (CIDU) sa Camp Karingal.
Kinilala ni Montejo ang mga pulis na sina P/Maj. Adonis Escamillan, P/MSgt. Eranio Caguioa, P/SSgt. Alvin Macrohon, P/Cpl. Mark Niño Canicon, Pat. Raymund Evangelio, P/Cpl. Loreto Calzo, Pat. Denver John Dela Cruz, P/SSgt. Recolito Ortega III, P/MSgt. Jaime Maala, P/Cpl. Jocelyn Villanueva, P/Cpl. Nelda Seno at P/SSgt. Andres Tungcul, pawang nakatalaga sa District Mobile Force Battalion (DMFB).
Ang mga nabanggit na pulis ang naka-duty nang makatakas ang 6 Chinese nationals.
Ayon kay Montejo, nakatakda rin sampahan ng kaso ang mga pulis ng paglabag sa Art. 224 Evasion through negligence sa QC Prosecutor’s Office.
Sa imbestigasyon ng CIDU, dakong 9:45 pm nitong 22 Hunyo 2020, nang matuklasang nakatakas ang anim na Chinese national na nakakulong sa temporary facility sa Multipurpose Building, Camp Karingal, pawang nahaharap sa kasong large scale estafa.
Natuklasan ang pagtakas nang magsagawa ng routine accounting ang mga pulis.
Kinilala ang mga nakatakas na sina Zhang Yi Xin, 28 anyos; Ludong Jin, 38; Song Qicheng, 29; Lu Yinliang, 26; Huang Yong Qiao, 29; at Chen Bin, 28. (ALMAR DANGUILAN)