BINALEWALA ng Palasyo ang pahayag ng progresibong non-profit research group na Ibon Foundation na mas ligtas ang tradisyonal na jeepney kaysa ipinalit sa kalsada na “modernized airconditioned jeepney.”
Ayon sa Ibon Foundation mas ligtas sa posibilidad na magkahawaan sa coronavirus disease (COVID-19) ang open air traditional jeep kaysa air-conditioned modernized jeepney dahil may mga pag-aaral na kapag “in closed spaces” o kulob na lugar, ang small cap droplets ay puwedeng manatili sa hangin ang virus particles.
Kinuwestiyon ni Presidential Spokesman Harry Roque ang kalipikasyon ng Ibon sa pagbibigay ng naturang konklusyon at naninindigan na kulelat sa prayoridad ng pamahalaan na mapahintulutang magbalik pasada ang tradisyonal na jeepney.
“Hindi ko po alam kung anong kalipikasyon ng IBON para magbigay ng ganitong conclusion. Pero ang ordinaryong mamamayan po alam naman na kapag harapan talaga ang upuan ay talaga namang mas mataas iyong tsansa na magkahawaan kaysa iyong lahat ay nakaharap sa isang direksiyon lamang,” ani Roque sa virtual press briefing kahapon.
“Pero gaya ng aking sinabi po sa ating briefing kanina, may hierarchy po tayo sa public transport at nasa baba po ang mga jeepneys. Kung kulang naman po ang supply ng bus, ng modern jeepneys ay ikokonsidera naman po natin ang paggamit ng mga jeepney. At sa mga probinsiya nga po, may mga ilang probinsiya na gumagamit ng jeepneys kasi wala talagang mga bus sa mga lugar na iyon,” dagdag niya.
Mistulang inamin na rin ng Palasyo ang matagal nang akusasyon ng iba’t ibang grupo na ginamit ng administrasyong Duterte ang isyu ng pandemyang COVID-19 upang tuluyang ipatupad ang kontrobersiyal na jeepney modernization program.
“Well, ang nangyari naman po talaga, habang tayo ay nasa ECQ wala po talaga tayong pampublikong transportasyon na pinayagan at ngayong nagbubukas po tayo ng bahagya at ng ating ekonomiya, unti-unti naman po nating ibinabalik ang mga public transportation. Siguro ang naging desisyon ay dahil makabubuti ang jeepney modernization program ipatupad ngayon, na tayo po ay bahagyang pinapayagan ang iba’t ibang klaseng public transportation na bumiyahe muli,” paliwanag ni Roque.
Sa 100 araw na implementasyon ng community quarantine, libo-libong tsuper ng jeep ang nawalan ng hanapbuhay nang pagbawalan silang bumiyahe ng gobyerno kaya marami sa kanila ngayon ang namamalimos sa kalsada. (ROSE NOVENARIO)