HINDI na sakop ng ipinatutupad na curfew ng iba’t ibang lokal na pamahalaan simula ngayon, 22 Hunyo, ang mga pampasaherong sasakyan o public utility vehicles (PUVs) batay sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 47.
Batay sa IATF Resolution No. 47, mga tambay o “non-workers na lamang ang sakop ng curfew.
“(Local government units) are enjoined to enact the necessary ordinances to enforce curfew only for non-workers in jurisdiction placed under (Modified Enhanced Community Quarantine), GCQ, and Modified GCQ to penalize, in a fair and humane manner, violations of the restrictions on the movement of people as provided under these Omnibus Guidelines,” sabi sa resolution.
Hinimok ng IATF ang mga awtoridad na ipatupad ang mga patakaran kaugnay sa curfew ng patas, at maging makatao sa ipapataw na parusa sa mga lumalabag.
Matatandaan mula nang isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila ay pinahihintulutan lamang ang pagbibiyahe ng mga pampublikong bus at tricycle mula 8:00 am hanggang 8:00 pm.
(ROSE NOVENARIO)