WALANG PASOK ang mga empleyado ng Department of Justice (DOJ) habang inatasan ang lahat ng hukom at empleyado ng korte na nag-oopisina sa gusali ng Manila City Hall na sumailalim sa self quarantine, simula kahapon.
Base sa inilabas na Department Order No. 152 ni Justice Secretary Menardo Guevarra noong Miyerkoles, suspendido hanggang 28 Hunyo ang lahat ng “on-site work” sa DOJ Main Office at DOJ Annex Building sa Engracia Reyes St.
Ang hakbang ay ginawa matapos magpositibo sa COVID-19 RT-PCR Test ang tatlong empleyado ng hindi tinukoy na sangay ng korte.
Kaugnay nito, inatasan ang mga empleyado na sumailalim sa self quarantine kung hindi kinakailangan ang hospital testing o medical service.
Batay naman sa memorandum na inilabas ni Manila RTC Executive Judge Virgilio Macaraig: “All judges and court employees affected are advised to avoid contact with the public and to conduct tracing of all persons they may have in contact with at the court premises for the last two weeks.”
Nabatid na magkakaroon ng skeletal force sa dalawang ahensiya na tatanggap ng mga communications, letters, affidavits, motions, pleadings, at iba pang dokumento.
Maaaring magsagawa ng video conferencing at tumanggap ng pleadings sa panahon ng quarantine alinsunod sa guidelines ng Supreme Court (SC).
Nakatakdang magbalik ang normal na operasyon ng DOJ sa darating na 29 Hunyo habang sa 30 Hunyo naman sa Manila RTC.
Hiniling ni Macaraig sa lokal na pamahalaan ng Maynila na magsagawa ng disinfection sa mga tanggapan ng korte.
Dahil dito, muling magsasagawa ng misting decontamination at disinfection ang mga tauhan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagos sa nasabing bisinidad. (BRIAN BILASANO)