IGINAGALANG ng Palasyo ang desisyon ng Office of the Ombudsman na imbestigahan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at iba pang opisyal ng kagawaran bunsod ng umano’y mga iregularidad kaugnay sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isang independent constitutional body ang Ombudsman kaya’t hahayaan ng Palasyong umusad ang proseso at hinimok si Duque at buong DOH na makipagtulungan sa imbestigasyon at irespeto ang mga utos ng Ombudsman.
Sinabi ni Ombudsman Samuel Martires, nagbuo siya ng dalawang investigating team upang busisiin ang mga isyu hinggil sa mga sumusunod:
- Atrasadong pagbili ng [Personal] Protective Equipment at iba pang medical gears para sa healthcare workers;
- Mga pasyang sablay at iregularidad na nagbunsod ng kamatayan sa healthcare workers at pagtaas ng bilang ng mga namatay at naimpeksiyon sa hanay ng medical frontliners;
- Kawalan ng aksiyon para sa mabilis na proseso at paglabas ng pangakong kompensasyon sa healthcare workers na labis na naapektohan, nagkasakit at mga namatay dahil sa COVID-19;
- Nakalilito at kulelat na pag-uulat ng mga namatay at nakompirmang nahawa ng COVID-19.
Nagsimula aniya ang pagsisiyasat ng Ombudsman Field Investigation Office bago magsimula ang implementasyon ng lockdown noong 15 Marso ngunit pinagpasa-pasahan sila ng mga opisyal at kawani ng DOH.
Nauna rito, napaulat ang umano’y overpriced COVID-19 medical equipment na binili ng DOH at pagkaantala ng halos tatlong buwan sa pagbibigay ng kompensasyon sa healthcare workers na namatay at nagpositibo sa COVID-19, alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act na noon pang Marso ipinasa ng Kongreso. (ROSE NOVENARIO)