NAGHAHANAP ng budget ang Palasyo para tustusan ang transistor radio na ipamamahagi sa milyon-milyong estudyante para magamit sa radio-based mode of learning sa pagsisimula ng klase sa 24 Agosto 2020.
“Wala pa pong budget para riyan pero I’m sure may pagkukuhaan po dahil wala naman tayong face-to-face classes,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Ani Roque, wala pang budget para sa panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng kahit tig-P300 na transistor radio upang magamit ng estudyante sa lugar na walang internet at walang telebisyon.
“Wala pa pong budget, kasi kahapon po ang konteksto no’ng sinabi ni Sec. Briones, maski bumili tayo at mamigay ng P300 worth na radyo, ito po ay para sa mga lugar na walang access sa computer, walang access sa telebisyon at ang tanging access lamang ay iyong mga community radio. So, kung kinakailangan bibigyan natin iyong mga estudyante ng P300 worth na radio kasi iyon ang pinakamura para magpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral,” ani Roque sa virtual press briefing kahapon.
Paliwanag ni Roque, makikipagkontrata ang Department of Education (DepEd) sa mga community radio station sa iba’t ibang panig ng bansa upang maisahimpapawid ang learning materials na gagawin ng kagawaran dahil posibelng hindi ito kayanin kung ang state-run Radyo Pilipinas lang ang lalargahan ng radio-based learning mode.
“So, ang tinitingnan niya ay makikontrata sa mga community radio stations dahil mayroon talagang mga liblib na lugar na nararating lang ng mga community radio, hindi naaabot pati ng Radyo ng Bayan,” dagdag ni Roque.
Nauna nang napaulat na maglalaan ang DepEd ng mahigit P200 milyon para sa broadcast-based mode of learning na ieere sa state-run Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13).
May P700 milyon rin ang ilalaan na pondo ng Kongreso para sa modernisasyon ng equipment ng IBC-13. (ROSE NOVENARIO)