PINAALALAHANAN ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ibigay ang kaukulang tulong sa overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang COVID-19 at gamitin nang tama ang P20 bilyong trust fund ng ahensiya para sa mga migranteng Pinoy.
“Panahon na para ang OWWA ay tumulong nang todo sa OFWs. Ako ay nakikiusap na gawin ninyo ang lahat para naman mabawasan ang problema ng ating mga kababayan sa ibayong dagat,” ayon kay Drilon.
Kasunod ng pahayag ni Drilon, naghain ang Senador ng resolusyon upang alamin ang kalagayan ng mga OFW at kung paano tinutulungan ng OWWA gamit ang P2 bilyong trust fund.
“Hindi puwedeng gamiting rason na maaapektohan ‘yung kanilang investment. Sa pera ng OFWs nanggaling iyang P20-billion trust fund. The purpose of the trus fund is not for investment but to help the OFWs in times like this,” diin ni Drilon.
“Huwag silang umasa sa gobyerno dahil maraming pangangailangan ang national government,” dagdag ni Drilon.
“If OWWA is able to help our OFWs, that is also an investment, because if they find another jobs overseas, they can send remittances again to their families and that will help our economy,” ani Drilon
Sa rekord, nabatid na ang remittances ng OFWs ay nasa 9.3% gross domestic product at 7.8% gross national income ng bansa noong 2019. (CYNTHIA MARTIN)