MAY pagkakaunawaan o mutual understanding (MU) ang Palasyo at Senado sa kontrobersiyal na Anti-Terror Bill kaya harangan man ng sibat ay ‘tiyak’ na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging ganap na batas.
Kaya kahit hindi pa pirmado ni Pangulong Duterte ang Anti-Terror Bill ay sinilip na senyales ang agad na pagpapasalamat ng Palasyo sa mga may-akda ng panukalang batas na sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at Sen. Panfilo Lacson at hiniling sa publiko na hayaang ipatupad ng Punong Ehekutibo ang batas.
“Alam naman po ninyo ang Ehekutibo sa ating Saligang Batas, kami po ang magpapatupad ng batas. Ang polisiya po ay ibinigay ng Kongreso, nagpapasalamat po kami kay Senator Lacson at kay Senate President Tito Sotto at sa ating mga kongresista na nagpasa ng batas na ito, hayaan po ninyong ipatupad ng ating Presidente ang batas na iyan,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing kahapon.
Nauna rito’y ginawang garantiya ni Roque ang “kredibilidad” nina Sotto at Lacson para kunin ang tiwala ng publiko at suportahan ang Anti-Terror Bill na ayon sa mga kritiko’y mas malupit pa sa Human Security Act.
Para kay Roque, magsisilbing barometro ang maraming beses na panalo nina Sotto at Lacson sa senatorial polls upang ipagkaloob ng mga mamamayan ang tiwala na hindi lalabag sa Saligang Batas ang iniakdang Anti-Terror Law ng dalawang senador.
“At tingnan ninyo na lang iyong mga personalidad sa likod ng batas na ito kung pagkakatiwalaan ninyo sila o hindi. At sa tingin ko naman sa daming beses na nanalo para sa Senado si Sen. Lacson o si Sen. Sotto, e karapat-dapat naman ang tiwala ng taong bayan na hindi sila magsusulong ng isang batas na lalabag sa Saligang Batas,” ani Roque sa panayam noong Sabado.
Matatandaan, nagmistulang “birthday gift” ni Pangulong Duterte kay Lacson nang sertipikahan niya bilang urgent ang Anti-Terror Bill noong 1 Hunyo, ang ika -72 kaarawan ng senador. (ROSE NOVENARIO)