IPINASA na at ipinaubaya ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pinakahuling quarantine facility na ipinatayo ng lokal na pamahalaang Maynila sa Tondo.
Ayon kay Mayor Isko, ang Gregorio del Pilar Elementary School sa Tondo ay may kabuuang 48 kama bilang karagdagan sa mahigit 250-kamang quarantine facility na nabuo ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Nabatid, ang Gregorio del Pilar Elementary School ay nilagyan ng walong tent para magsilbing bagong quarantine facility sa mga taga-Maynila na magkakaroon ng sintomas ng COVID-19.
Nauna rito, binuksan ng alkalde sa publiko ang San Andres Quarantine Facility na may 60 kama; Dapitan Sport Complex Quarantine Facility, Araullo Quarantine Facility, Paez Quarantine Facility, at iba pa.
Sa panahon ng pandemya, sinabing prayoridad ni Isko ang puspusang pagsasagawa ng massive rapid testing upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan kaya nagpatayo rin ng mga quarantine facility para sa mangangailangang Manileño.
Iniulat na matatapos na ang itinatayong laboratoryo para sa COVID-19 testing sa Maynila na inilagay sa Sta. Ana Hospital. (BRIAN BILASANO)