ITINUTULAK ni Senadora Imee Marcos ang panawagang bigyang ayuda ang mga alagad ng sining, at producers sa creative work na may malaking maiaambag sa muling paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Dapat tingnan ng ating economic managers ang creative work bilang isang epektibo at kumikitang industriya, hindi lang basta pang-agaw atensiyon o pang-entertainment,” ani Marcos.
Mahalagang suportahan ng gobyerno ang husay at galing ng mga Filipino na makatutulong sa ekonomiya tulad ng ating animators na kinikilala ng Disney at maging ang ating mga malikhaing chef na nagdala sa Filipinas sa pagiging culinary destination sa Asya.
“Mismong Forbes na ang nagsabi na posibleng pumatok ang Filipinas at dayuhin ng mga turista sakaling humupa na ang takot sa COVID-19. Dapat maiayos natin ang industriya ng creative work para makatulong sa ating turismo at posibleng makapag-export pa sila,” ani Marcos.
Isinusulong ni Marcos na bumuo ang gobyerno ng Creative Industries Development Council sa pamamagitan ng Senate Bill 411 na tutulong, poprotekta at magpapalakas sa kita ng mga orihinal na likhang Pinoy.
Layon din ng panukalang batas na masiguro ang karapatan sa intellectual property hindi lang ng mga artists kundi maging ng scientists, inventors at iba pang malikhaing mamamayan.
“May mga kababayan tayo na naka-imbento ng gas-free na sasakyan at maging purifier para sa maruming tubig kaso hanggang balita lang sa telebisyon pero walang tulong na naiabot,” puna ni Marcos.
Batay sa panukalang batas ni Marcos, kabilang sa creative industries ang advertising at marketing; animation at game development; architecture at interior design; broadcast arts tulad ng pelikula, telebisyon, radyo at potograpiya; information technology, software at computer services; publishing; museums, galleries at libraries; heritage crafts at mga aktibidad tulad ng gastronomy; music at performing arts; visual arts; product, graphic, at fashion design.
Malaki ang puso ni Marcos para sa mga alagad ng sining at nasa creative work dahil dati rin siyang naging director general ng Experimental Cinema of the Philippines at producer ng mga lokal na pelikula tulad ng “Himala,” na kinilala ng CNN at Asia-Pacific Screen Awards bilang Asia-Pacific Film of All Time noong 2008, kalinya ng “Seven Samurai” ni Akira Kurosawa, at “Crouching Tiger, Hidden Dragon” ni Ang Lee.
“Kabilang sa pinakamasisipag na mga manggagawa ang mga nasa creative work kaya dapat na suportahan sila ng gobyerno. Madalas ay di-alintana ang sobra-sobrang oras sa trabaho dahil sa kanilang passion at inspirasyon,” paliwanag ni Marcos. (CYNTHIA MARTIN)