TINUPAD ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kanyang pangako na tatanggalin ang liquor sa tamang panahon.
Ito ay makaraang ianunsiyo ng alkalde na simula ngayong Lunes, 8 Hunyo ay wala nang liquor ban sa lungsod.
Nabatid, wala nang liquor ban ngunit mananatiling bawal ang pag-inom ng alak sa pampublikong lugar gayondin ang pagbebenta sa mga menor de edad.
Matatandaan, minsan nang sinabi ni Mayor Isko na tatanggalin niya ang liquor ban sa tamang panahon.
Umabot sa 72 araw ang ipinatupad na liquor ban ni Isko bilang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa buong panahon na ang lungsod ay nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).
Tumagal ang liquor ban dahil sa paniniwala ng alkadle na ang alak ay bahagi ng bisyo at ayaw niyang mabawasan ang mga ayuda na posibleng ipambili ng alak imbes maging prayoridad ang pang- araw-araw na pangangailangan sa buhay sa panahon ng ECQ.
Sa nilagdaang Executive Order No. 26 nitong Biyernes, 5 Hunyo ni Mayor Isko, ang pagbabawal sa pagbebenta ng nakalalasing na inumin tulad ng wines, liquors at beer at iba pang katulad na nagsimula noong 28 Marso 2020 ay tinatanggal na.
Umaasa si Domagoso na susunod ang lahat ng mga establisimiyento sa lokal na regulasyon, gayondin sa basic protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social/physical distancing sa kanilang business operations.
Matatandaan, dalawang Taiwanese national ang inaresto dahil sa pagbebenta ng alak sa kabila ng liquor ban at ipinasarado ng MPD ang tindahan sa utos ng alkalde.
(BRIAN BILASANO)