NANGANGAMBA ang grupo ng mga manggagawa at mga kawani ng Intercontinental Broadcasting Corp., (IBC-13) sa posibleng pag-upo ng isang “recycled official” bilang bagong general manager ng state-owned television network.
Sinabi ni Alberto Liboon, pangulo ng IBC Employees Union (IBCEU), naalarma ang kanilang grupo sa ulat na maitatalaga ang isang Julieta Lacza bilang chief executive officer/president ng IBC-13 matapos tanggalin bilang general manager ng state-run People’s Television Network Inc. (PTNI).
Ang IBC-13 at PTV ay parehong nasa pangangasiwa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Nabatid na maglalaan ang Kongreso ng hanggang P700 milyon sa IBC-13 para sa modernisasyon ng equipment nito kasama ang pagtatayo ng mga bagong tower dahil gagamitin itong broadcast-based mode of learning ng Department of Education (DepEd).
Ang broadcast mode of learning ay isa sa mga paraan ng pagtuturo na ipatutupad ng DepEd makaraang ipagbawal ang pisikal na pagpasok sa eskuwela ng mga mag-aaral bilang pag-iingat laban sa coronavirus (COVID-19) disease.
Batay sa ulat, maglalaan ng P214 milyong pondo ang DepEd para sa broadcast mode of learning project sa IBC-13.
“Nais lang namin na maging ligtas ang pera ng bayan sa IBC-13 dahil edukasyon ng kabataan ang nakasalalay rito at kasabay nito’y mabayaran din ang matagal nang pagkakautang ng network sa aming mga benepisyo,” giit ni Liboon.
Nanawagan si Liboon sa Palasyo na bigyan ng boses ang mga kawani ng IBC-13 sa pagpili ng mamumuno sa state-owned network at magtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng labor representative bilang board of director na makakasama sa policy making body.
Nabatid, mula nang maupo si Pangulong Duterte noong 2016 ay wala siyang naitalagang bagong board of director ng IBC-13 at lahat ng bumubuo ng board ay “remnants” ng administrasyong Aquino.
Ipinalit kay Lacza bilang general manager ng PTV si Katherine de Castro na dating President-CEO ng IBC-13.
Batay sa impormante ng HATAW, may ilang labor issues na hindi naresolba si Lacza noong siya’y general manager ng PTV at isang special audit request ang nakarating sa tanggapan ng Commission on Audit (COA) hinggil sa financial statement ng PTV para sa taong 2018 at 2019.
Sinabing isang malapit na kaibigan ni Lacza ang nagsisilbing padrino niya sa Palasyo.
Tumanggi si Presidential Spokesman Harry Roque na magbigay ng pahayag kaugnay sa isyu. (ROSE NOVENARIO)