SABLAY ang proyektong ‘Libreng Sakay’ ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga stranded na pasahero kamakalawa dahil nagsiksikan sa mga truck na labag sa umiiral na health protocol na social/physical distancing.
Inamin ito ni Transportation Secretary Art Tugade sa virtual press briefing sa Palasyo kahapon.
“The assumption na pinapayagan namin na magsiksikan sa mga truck, wala ho kaming pinapayagan diyan. Basta ginamit iyong modality of transport, social distancing must be observed. Kung may mga nangyayaring ganiyan, hindi ho iyan resulta ng pagpayag but resulta ho ng tinatawag nating “failure of implementation” at kailangan lang i-correct,” ani Tugade.
Marami ang nabahala sa mga kumalat na larawan at video ng mga truck ng AFP at PNP na siksikan ang mga pasahero sa unang araw ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Binatikos ng netizens ang pagbabawal ng gobyerno na makabiyahe ang jeepneys sa paghuhusgang hindi maipatutupad ang social/physical distancing sa ayos ng upuan na magkakatapat pero sa ‘Libreng Sakay’ ay umubra ang siksikan ng mga pasahero.
Paliwanag ni Tugade, kapag kinapos ang “instrument of transportation” ay puwedeng pahintulutan na pumasada ang mga jeep basta matiyak ang maayos na kondisyon nito at paiiralin ang health protocols.
“Hindi ho forever na hindi magagamit iyan. Ang ibig lang hong sabihin sa hierarchy of transportation: kung kakapusin ang instrument of transportation, puwede hong ipasok iyong jeepney diyan, kailangan lang ho mayroong roadworthiness, “ani Tugade.
Sa ilalim ng GCQ, ibinalik ang public transportation ngunit sa limitadong kapasidad gaya ng tren, bus, P2P bus, Grab, taxi, bisikleta at tricycle.
Naunang napaulat na maraming jeepney driver ang namamalimos na lamang sa mga kalye mula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon bunsod ng pandemyang COVID-19 noong 17 Marso at ipinagbawal ang public transportation. (ROSE NOVENARIO)