MABILIS na naibalik sa Delpan quarantine facility ang dalawang detainee ng Manila Police District – Sta. Ana Station (MPD-PS6) na itinuturing na person under investigation (PUI) sa COVID-19 ilang oras nang madiskubreng tumakas sa pasilidad kahapon ng umaga sa Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ni MPD director P/BGen. Rolando Miranda, ang mga ‘pugante’ na sina Ceasar Adriatico, 25 anyos, naaresto dahil sa paglabag sa RA 9165, residente sa Pasig Line St., Sta. Ana, at Jerick Savallon, 19 anyos, residente sa San Andres, Maynila, naaresto sa kasong paglabag sa RA 7610.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ng bantay sa nasabing pasilidad na wala sa loob ang dalawang detainee dakong 7:30 am sa Delpan St., Binondo, Maynila.
“Nakuha po sila ng police kanina sa Sta. Ana area,” kompirma ni Miranda.
Kasunod nito, puspusan ang isinasagawang contract tracing ng MPD sa mga taong posibleng nakasalamuha ng mga tumakas na PUI detainees.
Maging ang mga pulis na nakarekober sa mga tumakas ay pansamantalang malalayo sa kanilang pamilya dahil isasailalim rin sa 14-day quarantine. (BRIAN BILASANO)