DAGDAG-GASTOS para sa nagdarahop na manggagawa ang panukala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na lagyan ng sidecar ang kanilang motorsiko kung gustong maisabay ang asawa o kaanak sa biyahe papasok sa trabaho.
Inihayag ito ng DILG matapos isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, ngunit ipinagbabawal pa rin ang angkas sa motorsiko.
“Papaano natin maso-solve itong angkas dahil, halimbawa, ay mag-asawa nga sila, unti-unti po ay gumagawa tayo ng bicycle lane, gagawa tayo ng tricycle lane at lagyan na lang po ng sidecar iyong motor at puwede namang isama niya iyong kaniyang misis. Ganoon lang po naman iyong mga solution habang mayroon pa tayong virus,” ayon kay DILG Secretary Eduardo Año sa virtual press briefing sa Palasyo kahapon.
May tsansa aniya na mahawa ang angkas o ang driver mismo ng motorsiklo dahil makasasalamuha nila ang mga katrabaho.
“Kung ang mag-asawa ay papasok at nakaangkas, pagdating niya sa opisina ay mahahawa iyong lalaki at pag-uwi niya ay nakaangkas iyong babae, iyong babae naman ang mahahawa. Ang susunod naman na mahahawa ay iyong opisina o kaopisina ng babae,” dagdag ng kalihim.
Batay sa patakaran ng IATF, pinapayagan sa ilalim ng GCQ ang pagbiyahe ng tren, bus sa limitadong kapasidad, taxi, transport network vehicle services, shuttle services, point-to-point buses, at mga bisikleta.
(ROSE NOVENARIO)