WALANG gastos ang gobyerno sa contact tracing o paghahanap ng mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) kung gagamitin ang teknolohiya mula sa Philippine National Police (PNP) gaya ng ginawa ng Baguio City, para sa layuning maabot ang COVID-free Philippines.
“Wala po, libre po ito,” sabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, isang retiradong police general, sa Palace virtual press briefing kamakalawa.
Inengganyo ni Magalong ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang libreng teknolohiya ng PNP sa kanilang lugar gaya ng ginawa niya sa Baguio City na itinuturing na modelo sa contact tracing sa buong bansa.
“Ang ginagastos po namin dito iyong aming rapid test kits. Pero iyong mga technology, wala ho kaming ginastos diyan dahil mayroon po iyan, available po iyan sa Philippine National Police. Nagkakataon lang po na kung minsan nakakalimutan ng ibang mga commander na mayroon iyong ganiyang sistema sa kanilang mga command,” wika ni Magalong.
Iginiit ni Magalong na hindi puwede basta lamang kumuha ng contact tracer dahil dapat ay may “investigative capability, investigative mindset” gaya ng imbestigador na pulis.
Kailangan aniyang mabuo ang “COVID- mapping” upang makita ang lawak ng infection sa isang partikular na lugar.
Inihayag kahapon ni Budget Secretary Wendell Avisado na umabot na sa P353.8 bilyon ang nailabas na pondo ng gobyerno para sa iba’t ibang programa laban sa COVID-19. (ROSE NOVENARIO)