MAKABIBIYAHE na ang mga pampasaherong bus sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, pero inilinaw na kinakailangan sumunod pa rin sa ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan, kabilang ang pagsasakay ng 50% ng kanilang passenger capacity upang matiyak na maoobserbahan ang physical distancing.
Dapat rin aniyang may probisyon ng minimum health standards.
“Under GCQ, ang buses papayagan na rin ‘yan pero 50% capacity at mayroon dapat provisions diyan ng minimum health standards,” ani Año, sa panayam sa telebisyon.
“‘Yung mga upuan niyan ay hindi talaga dapat uupuan lahat, may alternate… nasa kanan ‘yung una, ‘yung susunod nasa kaliwa and so on and so forth…”
Sinabi ni Año, dapat din magpatupad ang mga bus terminals ng log-in system sa mga pasahero para sa posibleng contact tracing measures.
Pagdating sa mga pampasaherong jeepney, maaaring payagang bumiyahe ang traditional jeepneys kung na- reconfigured ang kanilang mga upuan at kung aprobado ng Department of Transportation (DOTr).
Paliwanag ni Año, ang problema sa traditional jeepney ay magkakalapit at magkakaharap ang mga pasahero at kapag dumaan ang pasahero ay talagang halos ‘face to face’ na rin ang distansiya nila.
“So one way is to reconfigure the seats and have it approved by DOTr and probably it’s time na siguro na mag-modernize jeepney na tayo,” paliwanag ni Año.
Sinabi ni Año, maaari pa rin gamitin ang mga jeep bilang delivery vehicles.
Nauna rito, sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na hindi pa rin nila papayagang makabiyahe ang jeepneys at buses kahit maisailalim na sa GCQ ang Metro Manila sa 1 Hunyo. (ALMAR DANGUILAN)