BAKASYON grande ang isang opisyal ng Malacañang mula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon bunsod ng pandemyang coronavirus disease (COVID-19).
Ilang mamamahayag na nakatalaga sa Palasyo ang umalma sa paggamit ng Palace official sa ECQ bilang oportunidad para magbakasyon grande at hindi tuparin ang kanyang tungkulin na bigyan ng update ang media sa iskedyul ng aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ay sa loob lamang ng Palasyo.
Mula nang umiral ang ECQ ay suspendido ang lahat ng aktibidad ni Pangulong Duterte sa labas ng Malacañang at lahat ng kanyang pulong ay sa loob lamang ng Palasyo at ipinalalabas sa publiko sa pamamagitan ng social media, telebisyon at radyo.
Bahagi ng mandato ng Media Affairs Relations Division (MARD) na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay “Establish liaison with the representatives of domestic and foreign press, and provide assistance, as is deemed necessary, relevant to the projects, policies, and activities of the Government and the Presidency; Establish and maintain a system of accreditation for local and foreign members of media; and Make arrangements for Presidential press and broadcast coverage and conferences.”
“Kailangan ipabatid sa Malacañang Press Corps ang mga aktibidad ng Pangulo lalo na’t nasa public health emergency ang bansa upang malaman ng publiko ang lahat ng opisyal na pahayag ng Punong Ehekutibo. Huwag nilang ipagkait sa amin ang responsibilidad namin bilang tagapaghatid ng napapanahong balita sa sambayanan,” anang isang Palace reporter.
Dalawang beses na nabigla ang Palace reporters dahil walang abiso mula sa tanggapan ni PCOO Undersecretary for Media Relations Mia Reyes ang naganap na virtual speech ni Pangulong Duterte sa Philippine Military Academy (PMA) graduation noong nakaraang linggo at kamakalawa ng gabi, ang pulong ng Punong Ehekutibo sa Philippine Army.
“Regular ang suweldo at tumatanggap ng mga benepisyo si Reyes kahit hindi siya nagre-report sa Malacañang mula nang umiral ang ECQ. Sana ay sulitin naman niya ang pera ng bayan na tinatanggap niya kada buwan,” dagdag ng Palace reporter. (ROSE NOVENARIO)