HINDI nakasalba sa kamatayan ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang anim ang sugatan makaraang tumaob at magpaikot-ikot ang sinasakyang van, kamakalawa ng hapon sa Star Tollway ng Ibaan, Batangas.
Ayon sa inilabas na pahayag ng PCG, hindi na umabot ng buhay sa Batangas Healthcare Specialists Medical Center si Coast Guard Apprentice Seaman (ASN) Cenen Epetito.
Kasalukuyang inoobsebahan sa ICU si Coast Guard ASN Adrian Añonuevo na nagkaroon ng minor hematoma.
Kabilang sa mga nasugatan sina Seaman Second Class (SN2) Pacifico Casipi, SN2 Erdie Rojales, CCGM McLester Saguid, ASN Rouin Alvarez, ASN John Kristopher Mojica, at isa pang Candidate Coast Guard Man (CCGM).
Sa imbestigasyon, lulan ng isang van ang mga biktima nang pumutok ang gulong ng sasakyan hanggang tumaob at saka nagpaikot-ikot.
Papunta ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang makiisa at tumulong sa “Bayanihan Repatriation” program ng pamahalaan sa mga overseas Filipino workers mula sa PCG District – Southern Tagalog sa Sta. Clara, Batangas.
Nakatakdang bigyan ng PCG ng tulong at pagkilala ang pamilya ni Epetito, ang nasawing frontliner sa kasagsagan ng pagtulong kontra sa pamdemyang dulot ng COVID19. (BRIAN BILASANO)