INILINAW ng Malacañang na face-to-face classroom setting ang tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa itinakdang pagsisimula ng school year 2020-2021 sa 24 Agosto 2020.
“Ano ba hong ibig sabihin ng Presidente noong sinabi niyang ‘wala munang pasok habang walang bakuna.’
Iyon po ang sinabi ng Presidente, ibig sabihin po niyan habang wala pang bakuna at habang wala pa tayo sa new normal, iyong wala na pong community quarantine, hindi pa rin po tayo magkakaroon ng face-to-face classroom na mga klase,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing kahapon.
Binigyan diin ni Roque, may tinatawag ang Department of Education ( DepEd) na blended learning na gagamitin ang telebisyon, radio, at internet para sa pag-aaral ng mga kabataan.
Sa kanyang public address kamakalawa ng gabi, inihayag ni Pangulong Duterte na hindi niya papayagan na magsimula ang klase sa 24 Agosto hanggang walang bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19). (ROSE NOVENARIO)