SUSUNOD ang Filipinas sa inilabas na guidelines ng World Health Organization (WHO) hinggil sa pagbibigay ng hydroxychloroquine sa mga pasyente bilang gamot sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ititigil ng bawat ospital sa bansa ang pag-administer ng naturang anti-malarial drug sa kanilang mga pasyente alinsunod sa utos ng WHO.
Nagbunsod ang temporary pause ng drug trial matapos ilathala ng isang medical journal sa ibang bansa ang nakuha nitong impormasyon na ang mga indibiduwal na gumagamit ng hydroxychloroquine ay mas mataas ang tsansa na atakehin sa puso o ‘di kaya’y mamatay.
Dagdag ni Vergeire, hindi nila isasapubliko ang magiging resulta ng drug trial.
Patuloy na sumasailalim sa testing ang iba pang gamot tulad ng experimental drug na Remdesivir at HIV combination therapy.
Bago ito, kinompirma ni Health Secretary Francisco Duque III na 148 pasyente at 24 ospital ang sumali sa solidarity trial na pinangangasiwaan ng WHO. (CYNTHIA MARTIN)