KALAHATI o 50 porsiyento ang dapat ibigay na diskuwento sa mga espasyo na inuupahan ng maliliit na negosyo.
Sinabi ito ni Sen. Aquilino Pimentel III bilang pag-agapay sa pagbagon ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Pimentel, malaki ang nawala at nalugi sa maliliit na negosyo at aniya, ang isang paraan para sila ay makabangon ay pagpapagaan sa ilang bayarin kasama na ang bayad sa upa.
Binanggit ng namumuno sa Senate Committee on Trade na bagamat maaari nang magbukas muli ang mga negosyo sa pag iral ng general community quarantine (GCQ) at modified ECQ, maraming negosyo ang hindi pa rin makapagbukas dahil malaking problema nila ang bayad sa upa.
Sinabi ng senador, higit 50 porsiyento ng mga negosyo sa bansa ay medium, small and micro enterprises kaya’t kung pasisiglahin muli ang ekonomiya ng bansa dapat tulungan ang maliliit na negosyo at sila naman ay makapagbibigay ng trabaho.
Sa porsiyento ng maliliit na negosyo halos kalahati ay nasa rehiyon ng Metro Manila, CALABARZON at Central Luzon. (CYNTHIA MARTIN)