SINABI ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang mga magbabalik sa mga probinsiya na overseas Filipino workers (OFWs) ay may health certificate na magpapatunay na sila’y COVID-free.
“Lahat po ng pinauwi na OFWs have health certificates since they have been subjected to PCR tests,” ani Roque.
Nauna rito, nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na pauwiin sa kani-kanilang lalawigan ang 24,000 OFWs na stranded sa Metro Manila.
Kaugnay nito, ilang estudyante sa Maynila na nagpalista online sa Balik-Probinsya ay sumailalim muna sa libreng COVID-19 rapid test sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar bago binigyan ng clearance ng barangay bilang patunay na sila’y hindi person under investigation o person under monitoring kaugnay sa COVID-19.
Ang Balik-Probinsya, Balik-Pag-asa ay programa ng administrasyong Duterte na may layuning pauwiin sa kanilang mga lalawigan ang mga nasa Metro Manila na may kakibat na kabuhayan at upang lumuwag ang National Capital Region (NCR). (ROSE NOVENARIO)