KALABOSO ang pitong indibiduwal makaraang salakayin ng mga tauhan ng Manila Police District –Sampaloc Station (MPD-PS4) ang pagawaan ng pekeng identification cards ng Department of Trade and Industry, at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (DTI-IATF-EID), kahapon ng hapon sa C.M. Recto Avenue, Maynila.
Ayon sa panayam kay MPD PS4 commander P/Lt. Col. John Guiagi, masusing iniimbestigahan ang mga nadakip na suspek na naaktohang nag-iimprenta ng mga pekeng DTI-IATF ID.
Kabilang sa naaresto si Johnny Perez, Jr., layout artist, 32 anyos, taga-LRC Compound, CM Recto Ave., Sta. Cruz, Maynila at anim na iba pang sangkot sa pag-iimprenta at pagmamanupaktura ng pekeng ID ng DTII-IATF
Pasado 1:00 pm nang salakayin ng mga tauhan ni Guiagi ang ilang establisimiyento matapos makatanggap ng report na nag-iimprenta ng mga pekeng ID ng IATF.
Ang IATF ID ay gamit ng frontliners tulad ng DTI bilang APOR o Authorized Person Outside Residence ngunit nagawang pekein sa nasabing lugar na matagal nang tinaguriang ‘fake university.’
Ibinebenta umano ng tig-P350 ang mga pekeng ID ng IATF na ginagawa sa Recto.
Matatandaan, sinalakay mismo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ng MPD City Hall detachment ang ilang pagawaan ng peke sa Recto ngunit may Ilan pa rin na patuloy na nakagagawa ng pekeng dokumento sa nasabing lugar.
Bukod sa mga nakitang pekeng DTI/IATF ID ay nadiskubre rin ng MPD PS4 ang mga pekeng dokumento gaya ng diploma at iba pang pekeng government IDs gaya ng PWD, Postal, driver’s license at pasaporte.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (Falsification by private individual and use of Falsified Documents in relation to Bayanihan to Heal as One Act). (BRIAN BILASANO)