HINDI natin alam kung ‘naaawa’ ba si Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III at kahit kabi-kabila na ang nananawagan na pagpahingahin na at palitan sa puwesto ay ‘inalo’ pa niya at hindi nagawang ‘diinan’ sa ginanap na Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) meeting
at public address nitong Lunes ng gabi.
Ang panawagan ng resignasyon ni Duque mula sa Private Hospitals Association of the Philippines, Inc.,
at ang resolusyon na nilagdaan ng mga Senador nitong nakaraang Abril, ay lumabas sa panahon na walang nakikitang malinaw na tunguhin ang laban nating mga Filipino kontra coronavirus (COVID-19).
Bukod pa ‘yan sa pagkamatay ng maraming medical health workers na siyang nasa frontline para sa kapakanan hindi lamang ng mga pasyente kundi maging ng buong bayan.
“Huwag ka masyadong touchy sa mga issues, because always there will be pros and cons,” tila nang-aalong pahayag ng Pangulo kay Duque.
“Pakinggan na lang natin… because this is a democracy,” dagdag ng Pangulo.
Kaya marami tuloy ang nagtatanong. Ano ba talaga ang nangyayari?
Noong unang nilabag ni NCRPO chief, P/MGen. Debold Sinas ang protocols sa social/physical distancing sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) marami rin ang nagalit at hiningi ang ulo ng heneral.
Pinaiimbestigahan siya sa National Bureau of Investigation (NBI).
Pero nang magsalita ang Pangulo, isa lang ang kanyang sinabi: “Ako ang may gusto na huwag siyang (Sinas) alisin.”
Ay sus, parang beneybi si Sinas. At ngayon nga, heto naman si Roque. Inalo si Roque na parang biktima ng pambu-bully.
Hindi ako nagtataka kung bakit maraming loyal kay Pangulong Duterte — hindi siya nanlalaglag ng tao.
Sa totoo lang, hindi naman talaga ang ulo ni Duque ang ‘solusyon’ para umayos ang pakikibaka natin laban sa COVID-19.
Siyempre ang pinakasusi rito ay pagtatalaga ng mga tamang tao na alam kung ano ang gagawin ng buong bansa kung paano lalabanan o iko-contain ang virus para makapamuhay nang maayos at normal ang mga mamamayan na ilang panahon nang nakakuwarentena.
Nagkataon nga na si Duque ang Secretary of Health, pero bukod sa hindi kinakikitaan nang tamang approach sa nararanasan nating krisis pangkalusugan sa kasalukuyan, nagkakaroon pa ng mga isyung tongpats at korupsiyon sa bilihan ng testing kits at PCR machines.
Imbes mapabilis ang pagsusuri sa mga kababayan nating dapat suriin kung may kaso ng COVID-19 lalo pa tuloy tumatagal.
At habang tumatagal ang pagsusuri lalong nabibinbin ang kabuhayan hindi lamang ng isang pamilya kundi ng buong bansa.
Hindi ba nararamdaman ni Duque ang hirap ng buay ngayong kuwarantena? O baka naman masaya sila sa pagbaha ng pondo dahil maraming ini-realign patungo sa paglaan sa COVID-19?
Sa gitna ng pandemya, kung ganyang klase ng tao ang itinalaga, normal na marami ang mag-alboroto at hingin ang kanyang ulo.
Kaya kung ang papel ni Duque sa laban natin sa COVID-19 ay nagiging sagka para makapagsulong tayo ng siyentipiko, lohikal, at agresibong estratehiya para labanan ang virus, bakit hindi ‘pangulungin’ ang ulo ng opisyal?!
Masyado na tayong kulelat sa buong Asya. Si Duque lang ba ang kalipikadong tao sa bansa para pamunuan ang DOH?!
Kung walang katiyakan, matutuwa ba tayong isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang bansa?!
Uulitin lang po natin, mapapanatag lang tayo kung magkakaroon ng katiyakan na alam ng DOH ang ginagawa nila.
Wala tayong Angela Merkel, pero nainiwala tayong mayroong mga Filipino na mahuhusay na social scientist at ekonomista.
Bigyan natin sila ng daan, tungo sa tagumpay natin laban sa COVIC-19.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap