SINANSALA ng Palasyo ang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa second wave na ang pandemyang coronavirus ( COVID-19) sa Filipinas.
Inilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na nasa first wave ng pandemyang COVID-19 ang bansa
at hindi pa ‘napapantay ang kurba’ taliwas sa pahayag ni Duque.
“Tama ang ating Presidente dapat gumawa tayo ng mga hakbang para makaiwas sa second wave. Tayo po ngayon ay nasa first wave… Ang alon tumataas, bumababa. Pasensiya na kayo mga kababayan. Nagsalita na ang Presidente. Kinakailangang gumawa pa rin tayo ng hakbang para maiwasan ang second wave. Nagpapaumanhin kami kung kayo ay naalarma pero ang katunayan po ang siyensiya naman po at importante ang pagbasa sa mga waves para alam natin ang gagawin na response. Whether be it a wavelet or a first wave, ang katunayan naman po, ang importante maiwasan ang second wave na mas maraming kaso ang magkakasakit,” ani Roque kahapon sa virtual press briefing.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Duque, nasa second wave na ang pandemyang COVID-19 sa bansa.
Ang unang wave aniya ay nangyari noong katapusan ng Enero na ang tatlong Chinese nationals ang nagpositibo sa sakit.
Nagsimula aniya ang second wave noong buwan ng Marso, na bago matapos ang buwan ay umabot sa 10,000 ang kaso ng COVID-19.
Ngunit sa regular press briefing ng Department of Health (DOH) kahapon, binawi ang naunang pahayag ni ni Duque at idineklarang nasa first wave ng COVID-19 ang bansa sa local community transmission.
Humingi ng paumanhin ang DOH sa idinulot nitong pag-aalala sa publiko.
“We apologize for the confusion that this has caused. But we hope that this does not in anyway distract us from what we really need to do to change the course of this pandemic,” ani Dr. Beverly Lorraine Ho ng Health Promotion and Communication Service Director IV sa DOH. (ROSE NOVENARIO)