MAHIGPIT na ipinagbabawal pa rin ang mass gathering kahit sa isang pagdiriwang ng religious gathering.
Paalala ito ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kapatid na Muslim dahil sa kinahaharap na pandemyang coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ang paalala ay ginawa ni DILG Secretary Eduardo Año bunsod ng nalalapit na pagdiriwang ng mga Muslim ng Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan sa 25 Mayo, Lunes.
Ayon sa Kalihim, maglalabas ang ahensiya ng mga panuntunan upang matiyak na magkakaroon ng tamang health protocols at maiiwasan ang posibleng hawaan ng virus.
“Maglalabas kami ng guidelines and advisory to ensure that Muslim revelers will follow the minimum health standards and no mass gathering shall be observed,” ani Año.
Una nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 25 Mayo, 2020 bilang regular holiday dahil sa Eid’l Fitr. (ALMAR DANGUILAN)