HINDI pumutok ang baril ng isang lalaki nang asintahin ang isang barangay chariman dahil sa galit nang alisin sa listahan ng benepisaryo ng Special Amelioration Program (SAP) sa San Miguel Maynila kamakalawa ng hapon.
Arestado ang suspek na si Aiman Musa, 37 anyos, residente sa Malangas Street, San Miguel, Maynila makaraang pagtangkaan ang buhay ng biktimang si Hashim Amatonding, chairman ng Barangay 648 Zone 67, sa San Miguel, Maynila.
Sa imbestigasyon ng Manila Police Ditrict – General Assignment and Investigation Section, 4:30 pm nang maganap ang tangkang pamamaril sa tapat ng barangay hall ng nasabing barangay.
Kasagsagan umano ng pamimigay ng mga foodpacks sa naturang lugar nang biglang bumunot ng baril ang suspek saka kinalabit ang gatilyo habang nakatutok sa chairman na si Amatonding pero hindi pumutok.
Kasunod nito, pinaputukan ulit ng suspek ang biktima ngunit hindi tumama kaya’t mabilis na nakapagtago si Amatonding sa loob ng kanyang barangay hall saka tumawag ng responde sa manila Police District – Sta. Mesa Station (MPD-PS8) Palanca PCP.
Agad dumating ang pulisya kasama ang MPD Special Weapons and Tactics (SWAT) Unit kaya’t mabilis na nadakip ang suspek.
Nakompiska kay Musa ang isang kalibre .45 baril at isang magazine na naglalaman ng anim na bala at isang kumabyos na bala.
Isinumbong ni Musa sa mga pulis na tinanggal umano siya ni Amatoding sa mga benepisaryo ng SAP kaya hindi siya nakatanggap ng P8,000 cash subsidy.
Sinampahan ng kasong frustrated murder at illegal possession of firearms sa Manila Prosecutor’s Office si Musa sa ipiniit sa MPD Integrated Jail (BRIAN BILASANO)