NAGULAT at kinontra ng dalawang mataas na opisyal ng pamahalaan na pinakamalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag ni Inter-Agency Task Force ( IATF) on the Management of Emerging Infectious Disease chairman at Health Secretary Francisco Duque na nasa second wave na ang pandemyang coronavirus ( COVID-19) sa bansa.
Kapwa itinanggi nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang pahayag na second wave ng COVID-19 sa bansa ni Duque.
“Alam mo hindi pronouncement ng Presidente ‘yan or ano. Kailan ba lumabas ‘yang second wave? That we will have to see. Because as far as I know, wala pa tayo sa second wave,” ayon kay Medialdea.
Pakiusap ni Medialdea, huwag nating asahan ang second wave at dahil malakas magdasal ang mga Pinoy hindi ito dapat mangyari.
“Wala pa tayo sa second wave. E idinadasal natin. Malakas ho siguro tayo magdasal. ‘Wag nating i-expect, ‘wag nating asahan, puwede ba?” ani Medialdea.
Nanindigan si Go na wala pang COVID-19 second wave sa bansa at mahihirapan ang bansa kapag nangyari ito.
“Wala pa. Mahirapan tayo pag nasa second wave,” ani Go.
Sa virtual Senate hearing kahapon, inilinaw ni Duque na itinuturing na first wave ang pag-uumpisa ng COVID-19 sa bansa.
Base aniya sa epidemiologist, nangyari ang first wave ng nakahahawang sakit noong Enero kung kailan naitala ang unang tatlong COVID-19 cases sa Chinese nationals mula Wuhan City.
Kumikilos aniya ang DOH upang ma-flatten ang curve ng COVID-19 at magkaroon ng sapat na panahon ang gobyerno upang mapaunlad ang kapasidad ng health system sa bansa. (ROSE NOVENARIO)