NAGBABALA ang militanteng grupong Kilusang Mayo Uno laban sa paggamit sa community quarantines dulot ng coronavirus disease (COVID-19) bilang ‘alibi’ para ituloy ang plano ng gobyernong jeepney phase-out.
Sinabi sa kalatas ng KMU na dapat ay bigyan ng ayudang pinansyal ang mga manggagawa sa transportasyon na mahigit dalawang buwang walang kinita dahil sa ipinatupad na ECQ.
Anang KMU, nais ng mga obrerong makapag-ambag sa pag-usad ng ekonomiya ngunit dahil ipinagbabawal pa rin ang public transportation sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) magiging mahirap at mapanganib para sa kanila na magbalik trabaho.
“Aside from trains and buses, public utility jeepneys are also needed at least for collector roads,” ani KMU secretary-general Jerome Adonis.
Nauna rito, inihayag ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Management Association of the Philippines (MAP), at American Chamber of Commerce (AmCham) na walang katiyakang makapaglalaan ang mga kompanya ng transportasyon para sa kanilang mga empleyado.
Noong nakaraang buwan ay hiniling ng MAP sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at sa Department of Transportation (DOTr) na payagan bumiyahe ang mga bus at train na may kakayahang magsakay ng 250,000 manggagawa o ang tinatayang skeletal workforce sa Metro Manila. (ROSE NOVENARIO)