PINAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government officials (LGUs) at mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) na magsilbing huwaran sa pagpapatupad ng quarantine protocols na umiiral sa bansa.
Ito ang pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año ay bilang reaksiyon sa ulat na nagdaos ng party sa tanggapan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Taguig City, para sa kaarawan ni NCRPO chief, P/MGen. Debold Sinas noong isang linggo.
Ang mga larawan sa okasyon, na maituturing anilang isang mass gathering, na mahigpit na ipinagbabawal sa ngayon, sa ilalim ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), ay nag-viral sa social media at nakatanggap ng mga pagbatikos.
“Ang ating sinasabi sa ating government officials lalo sa nasasakupan ng DILG, ito ‘yung tinatawag nating delicadeza, may mga pagkakataon na kailangan maging (good) example ka,” ayon kay Año.
“Habang nasa ECQ tayo, wala ‘yung mga celebration na ganyan, ‘yung mga organized dinner na ganito, hindi ‘yan ano… delicadeza nga e,” dagdag ni Año.
Kaugnay nito, ipinauubaya ni Año sa Philippine National Police (PNP) ang pag-iimbestiga sa insidente.
Una nang sinabi ni PNP chief, Gen. Archie Gamboa na wala siyang nakikitang masama sa ‘Birthday Mañanita’ o birthday serenade na ibinigay ng kanyang mga tauhan kay Sinas.
Kinausap na umano niya si Sinas hinggil dito at tiniyak na aalamin kung may naganap ngang quarantine protocol violations. (ALMAR DANGUILAN)