“GRABE sila talaga (NTC)! Sad ako kasi 18 yrs tayo sa kanila, sobra naman ginawa nila,” ito ang pahayag ni Rayver Cruz nang mapanood niya ang huling episode ng TV Patrol nitong Martes, Mayo 5 dahil sa utos na ipasara ng National Telecommunications Commision ang Kapamilya Network.
Dalawang taon ng wala sa ABS-CBN si Rayver pero napamura siya sa pagsasara nito dahil naging Kapamilya siya sa loob ng 18 taon.
Bumalik ng GMA-7 ang aktor na roon siya unang napanood sa tele-magazine show na 5 and Up.
Malaki ang nagawa ng Kapamilya Network kay Rayver sa loob ng 18 years dahil marami siyang natutuhan lalo’t naging parte siya ng Star Magic. Technically, sa Kapamilya Network siya nagbinata. Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na breadwinner ang aktor.
Maraming naging projects si Rayver sa Dos, pero dahil siguro sa rami na rin ng artistang bago ay bihira nang magkaroon ng regular show. Pero bago siya umalis ay umeere ang epic seryeng Bagani (2018) nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Nangingilid ang luha sa mata ng aktor nang magpaalam siya sa Star Magic head na sina Mr. Johnny Manahan at Mariole Alberto, sa mga handler na naging parte ng buhay niya at sa kapwa artistang nakasama niya ng matagal.
Dahil kailangan na rin ni Rayver na asikasuhin ang future niya at dahil na rin sa maganda ang offer ng GMA kaya niya tinanggap pero hindi niya malilimutan ang Kapamilya na naging bahay niya sa loob ng 18 years.
“Kahit Kapuso na ako, hindi pa rin mawawala na minsa’y naging Kapamilya ako,” ito ang diin ng aktor.
Natanong naman namin kung ano ang masasabi niya na boto sa kanya ang Mamita Pilita Corrales ni Janine Gutierrez.
“Ano po ba ang isasagot ko? Masaya ako, ha, ha?” sagot ng aktor.
In fairness, halos lahat naman ng nakarelasyon ni Rayver ay boto sa kanya ang magulang at gustong-gusto talaga siya, maliban kina Mommy Divine at Daddy Delfin Geronimo na kahit nag-asawa na ang anak na si Sarah Geronimo-Guidicelli ay hindi pa rin sila boto sa napangasawa.
Oh well..
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan