ni Ed de Leon
NAMATAY si Sonny Parsons sa isang klinika kung saan tinangkang ikabit siya sa oxygen matapos atakehin sa puso, habang sakay ng kanyang motorsiklong BMW R1200GS, papuntang Quezon, kahapon.
Naganap ang hindi inaasahang insidente dakong 1:00 pm, Linggo, Mayo 10, sa Lemery, Batangas. Sinasabing mga limang oras na siyang bumibiyahe nang atakehin.
May suspetsa ang marami na ang matinding init ng panahon at pagod ang naging dahilan ng atake ni Sonny. Siya ay 61 anyos. Hindi na umabot sa kanyang kaarawan sa Miyerkoles, 13 Mayo kung kailan siya magiging 62 anyos.
Bukod sa pagiging miyembro ng kilalang grupong Hagibis, si Sonny ay kinikilalang isang action star at nakagawa ng maraming pelikula.
Huli siyang napanood sa ilang episodes ng Ang Probinsyano noong 2017.
Si Sonny ay naging konsehal din ng Marikina City, at nagtatag ng isang samahan ng mga motorcycle riders na tumutulong sa panahon ng mga kalamidad at ibang emergency.
Si Sonny, Jose Parsons Nabiula sa tunay na buhay ay anak ng isang champion swimmer. Ang tatay niya, si Col. Charles Parsons Nabiula ay lumaban sa Olympics noong 1956 at nang malaunan ay naging pangulo ng Philippine Amateur Swimming Association.
Ayon sa huling detalye, ang labi ni Sonny ay dadalhin sa Maharlika Village sa Taguig upang doon ihimlay bago ang paglubog ng araw.
Si Parsons ay isang Muslim.