UMABOT na sa 3000 ang reklamong natatanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ilan sa reklamo ng mga residente ay inaaresto at ikinukulong sila dahil sa pagpapaskil ng kanilang mga concern o hinaing sa social media hinggil sa Social Amelioration Program (SAP) distribution.
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, batay sa reklamong natanggap nila, ilang local officials ang nagtutungo sa mga bahay ng mga residente, dinadala sa barangay hall at ikinukulong sa presinto dahil sa posts nila sa social media.
“Mayroon pa riyan nag-post sa Facebook na, ‘Ako ay hindi nakatanggap. Ako ay hinatian (ng ayuda). Ako ay tinakot,’” ani Diño. “Pinuntahan ‘yung nag-Facebook at kinaladkad papuntang barangay. Mayroon pa, ipinakulong.”
Pinaalalahanan ni Diño ang mga pulis na huwag ikulong ang isang tao dahil lamang dinala sila ng mga barangay officials.
Binalaan niya na maaari silang sampahan ng kaso dahil dito.
“Kayo namang nasa presinto, hindi porket binitbit ni kapitan, ng tanod ay tatanggapin n’yo na,” sabi ni Diño.
Anang DILG official, sa ngayon ay nasa 3,000 ang reklamong natanggap nila hinggil sa distribusyon ng SAP cash aid, maliban pa sa reklamo ng karahasan ng mga awtoridad.
Tiniyak ni Diño, lahat ng natatanggap nilang reklamo ay may case build-up at sasampahan ng kaso ang mga taong sangkot dito.
“Lahat po ng mga natatanggap naming reklamo ay may case build-up na kami. Sasampahan na po sila ng kaso,” aniya.
Nabatid, hanggang kahapon umaga, Linggo, 10 Mayo, deadline ng pamamahagi ng SAP, at nasa 85 porsiyento ng target beneficiaries ang nakatanggap na ng emergency cash subsidy, mula P5,000 hanggang P8,000.
Hindi umano palalawigin ng DILG ang deadline para rito. (ALMAR DANGUILAN)