Wednesday , December 4 2024

Kung hindi isyu ng press freedom, ano ang tawag sa pagpapasara ng NTC sa ABS-CBN?

BILANG isang kolumnista at publisher ng isang pahayagan, ako ay may katungkulang magpahayag, sa abot ng kakayahang unawain ang pinakahuling aksiyon ng isang ahensiya ng pamahalaan — ang National Telecommunications Commission (NTC) — sa pagpapasara ng media network na ABS-CBN.

Ako’y isang maliit na negosyante, pero bilang isang kolumista at publisher, itinuturing ko ang aking sarili bilang isang mamamahayag, at palagay ko naman ay sumasang-ayon ang lipunan sa aking pagtuturing batay sa prinsipyo at pag-iral ng fourth estate (fourth power) o ikaapat na estado sa bawat lipunan o bawat era (panahon) kung nasaan ako ngayon.

Hindi man pormal na tinatanggap, ang fourth estate ay kasing halaga ng mga sangay na kinikilalang umuugit sa isang pamahalaan.

Ang pag-iral ng fourth estate (sa iba’t ibang medium — print, broadcast, social media, o website) sa kasalukuyang lipunan na aming kinabibilangan ay katunayan na ito ay mahalagang bahagi ng pag-inog at pag-ugit ng kasaysayan.

Bakit fourth estate? Dahil kung wala nang masulingan ang mga mamamayan na biktima ng pang-aabuso at kapabayaan ng mga nasa kapangyarihan, wala silang ibang pupuntahan kundi ang mga nasa fourth estate na kinakatawan ng media sa iba’t ibang anyo – print, broadcast, social media, at website (online).

Kaya kung isa sa amin ang mawawala, naniniwala kaming ito ay pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag.

Pero hindi gaya sa sangay ng pamahalaan, karamihan ng anyo ng fourth estate ay nasa pribadong sektor.

Dito sa ating bansa, mayroong government media na ang pangunahing layunin ay itambol ang mga programa, gawain at mga nagawa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Sa kasalukuyan, na ang mga opinyon ay nahahati sa isyu ng pagpapasara sa ABS-CBN, marami ang nagtatanong, isyu nga ba ito ng freedom of the press o isyu ba ito ng paglabag sa umiiral na batas ng telekomunikasyon?

Bago ang cease-and-desist order ng NTC laban sa ABS-CBN, magugunitang sa pagpasok ng administrasyong Duterte ay nakatanggap na sila ng pagbabanta mula mismo sa Pangulo.

‘Yan ay dahil hindi nila ini-ere ang kanyang political ad noong eleksiyon, naglabas pa sila ng tahasang pagbanat sa noo’y presidential candidate.

Magugunita rin na ang Office of the Solicitor General (OSG) sa katauhan ni SolGen Jose Calida ay naghain ng quo warranto petition sa Korte Suprema para ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN.

Ang OSG ay klarong abogado ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Justice (DOJ).

Pero nitong 4 Mayo 2020, napaso ang prankisa ng ABS-CBN — sa panahon na walang session ang Kongreso at nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang malaking bahagi ng bansa — inilabas ng NTC ang cease-and-desist order laban sa malaking media network. Imbes provisional authority na nauna nilang ipinangako. Unti-unti, nawala sa ere ang mga programa ng ABS-CBN.

Nagkaroon ng bagong argumento, bakit hindi binigyan ng konsiderasyon ng NTC ang ABS-CBN gayong ginawa nila ito sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Broadcast franchise na napaso noong 4 Agosto 2017 at pinagkalooban ng bago noong 22 Abril 2019 sa bisa ng Republic Act No. 11319; ang Globe Innove’s franchise na nawalan ng bisa nong 10 Abril 2017 at noong 14 Disyembre 2018 muling nabigyan ng prankisa; ang PT&T’s franchise na napaso noong Nobyembre 2015, pero noong 21 Hulyo 2016 nabigyan muli ng prankisa.

Dahil dito, marami ang naghahamon sa Kongreso, kastigohin ang NTC sa aksiyong ginawa sa panahon na nasa ilalim ng ECQ ang bansa. Dapat umano ay nagpalugit pa sila ng 60 araw pagkatapos ng ECQ.

At sa panahon ng ECQ, hindi nagalit ang mamamayan sa kakulangan ng ayuda ng pamahalaan, hindi nangamba sa gutom at sakit na maaari nilang maranasan  — nagpuyos ang damdamin ng mga mamamayan dahil tinanggalan sila ng karapatang pumili ng kanilang panonoorin.

Sa panahon ng ECQ, na ang lahat ay nasa loob ng bahay, noon pa binawasan ang mga pagpipilian nilang panoorin o pakinggan. Hindi ito OA (overacting). Malaking isyu ito sa mental health lalo sa hanay ng senior citizens at persons with disability (PWDs) na maaaring ang nalalabing panahon sa kanilang buhay ay inilalaan sa paglilibang sa panonood ng mga programa, teleserye o ng mga paboritong artista na sa iisang channel lang nila nakikita.

Sabi nga ng premyadong manunulat na si Lualhati Bautista, “Hindi ako mahilig manood ng TV, news lang talaga, lalo na sa panahong ito na puro replay ang napapanood mo. Gano’n man, ang pagkakasara ng ABS-CBN ay itinuturing kong personal na pag-atake sa karapatan kong manood at makinig, tulad din ng pag-atake sa karapatan ng mga empleyado na maghanapbuhay, bukod pa rin sa karapatan nating lahat sa malayang pamamahayag. Hindi talaga maitatanggi na ang mga interes ng mga lider, ang mga desisyong pulitikal nila, ay nagsasangkot sa buhay nating lahat. “The personal is political.” Nag-aapply ito sa buhay ng bawat isa sa atin, dilawan man o DDS o fence sitter.”

Ayon naman sa Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), “sa bawat araw na hindi pinapayagang umere ang ABS-CBN ay nasasagasaan nito ang karapatan ng bawat Filipino, lalo pa ngayong may kinahaharap na health crisis.”

Ayon kay Vergel Santos ng CMFR rin: “Nasa tao ‘yon kung saan nila gustong kunin ang impormasyon nila… wala sa gobyerno na magsabi at mag-allot ng freedom, mag-distribute ng freedom.”

At para sa isang propesor, isang kagimbal-gimbal ang mensaheng ipinararating ng pagpapasara sa ABS-CBN, ang pinakamalaking media company sa Filipinas.

“Sa usapin ng kalayaan ng pamamahayag o press freedom, ang atake sa isa ay atake na po sa lahat. Dahil na rin do’n sa tinatawag nating chilling effect. Ano ang mangyayari sa iba pang mga news organization kapag nakita nila na naipasara ang isang napakalaking network,” ani Danilo Arao, propesor sa UP Diliman.

Tingin ni Arao, dapat nang tanggalin sa kamay ng Kongreso ang pagbibigay ng franchise para mabawasan ang impluwensiya ng politika.

“Hindi puwede na parang at the mercy talaga ‘yung mga news media organization,” ani Arao.

Hamon naman ng isang legal expert, patunayan ng lehislatibo ang kanilang independence.

“If there is any institution that should be blamed for this, it is Congress… It would speak very poorly of them if they fail to act on a pending petition for a franchise simply because they thought they would be pleasing somebody else,” ani Fr. Ranhilo Aquino, dean ng San Beda College – Graduate School of Law.

At dahil si Secretary Martin Andanar ng PCOO, isang dating reporter at ngayon ay empleyado ng gobyerno, naniniwala siyang ang pagpapasara sa ABS-CBN ay hindi isyu ng press freedom.

Sabi niya: “This is not an issue of press freedom but an issue regarding legislative franchise. Democracy, and the free press and free speech that come with it, is very much alive in the country and effectively protected.”

“The mandate of a broadcast franchise issuance and renewal is within the authority of the Congress, and not solely of the President, who only signs the law to be executor.”

Klaro na ang bawat isa sa atin ay tumitindig sa isyung ito base sa kinaiiralan na posisyon o poder.

Pero lalong malinaw ang sinabi ni Prof. Danilo Arao: “… ang atake sa isa ay atake na po sa lahat… ano ang mangyayari sa iba pang mga news organization kapag nakita nila na naipasara ang isang napakalaking network?”

Puwedeng walang malaking nakapupuwing, pero ang malaki ay binubuo ng ‘maliliit’ — at ‘yung maliliit na iyon, higit sa lahat — ang nagdurusa ngayon dahil sa pagpapasara ng NTC sa ABS-CBN.

Ngayon, uulitin ko lang po — kung hindi isyu ng press freedom, ano ang tawag sa pagpapasara ng NTC sa ABS-CBN?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *