TUWING may ginagawang pagtulong ni Elizabeth Oropesa, ayaw niyang may nakatutok na camera.
Gusto ng beteranang aktres ay tahimik lang ‘yung pagse-share niya ng blessing lalo na ngayong matindi ang krisis na kinahaharap ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaya nagulat na lang si Elizabeth na nasa facebook na ‘yung larawang nagbubuhat siya ng sako-sakong bigas na ini-distribute agad niya sa ilang barangay sa Quezon City.
Ayon pa kay La Oro (tawag kay Elizabeth sa showbiz) bale sa awa ng Diyos ay nakapagbigay siya ng tig-tatlong kilong bigas at tuyo sa mga barangay na tulad ng Payatas na alam niyang matindi ang hirap na dinaranas ng mga tao.
Sa interview sa actress, sinabi niyang sinuportahan siya ni Francis Leo Marcos sa kaban-kabang bigas na kanya ngang ipinamahagi, pero inilinaw niya na bumili rin siya mula sa sariling bulsa.
Kaya sa kinasasangkutang isyu ni Francis, na kesyo peke ito ay ayaw manghusga ni Elizabeth basta para sa kanya ay totoong tumutulong ito, at nasaksihan niya ito nang ilang beses.
Sa kanya namang career sa GMA, ay kasama raw siya sa comeback fantaserye ni Sen. Bong Revilla na Agimat ng Aguila na eere na dapat ngayong Mayo pero dahil sa COVID-19 ay hindi pa alam ni La Oro kung kailan sila magsisimula lalo’t kakaunti pa lang ang kanilang nakuhaang eksena.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma