TINIYAK ni Senate President Vicente Sotto III, agad aaprobahan ng Senado ang prankisa ng ABS CBN.
Pahayag ito ni Sotto matapos itigil ng ABS-CBN ang pagsasahimpapawid bilang pagtalima sa
cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) matapos mapaso ang kanilang prankisa.
‘“ABS franchise, bring it to the Senate, we will approve it!” pahayag ni Sotto sa kanyang official Twitter account.
Umaasa si Senator Grace Poe na gagawin ng kanyang mga kapwa mambabatas, sa Senado at Kamara, ang tama kaugnay sa pagpapasara sa ABS-CBN.
Sinabi ni Poe dapat gawin nila kung ano ang kanilang mandato ayon sa Saligang Batas para protektahan ang freedom of the press at freedom of expression at aniya dapat ito rin ang ginagawa ng gobyerno.
Lumikha aniya ng mga katanungan ang naging hakbang ng NTC, gaya ng kung ang pagpapasara sa ABS-CBN ay ayon talaga sa estriktong pagsunod sa batas o kung ito ba ay pag-atake sa media at sambayanan.
Tanong din ni Poe, kung ito ay makatuwiran inilalagay din ng mga taga-media ang kanilang sarili sa panganib dahil sa patuloy na pagtatrabaho sa gitna ng kasalukuyang krisis.
Kinuwestiyon ni Poe ang kahandaan ng gobyerno sa napipintong pagkawala ng trabaho ng libo-libong inaaasa ang kabuhayan bilang empleyado ng ABS-CBN.
Nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Risa Hontiveros dahil napakahalaga ng ginagawa ng ABS-CBN ngayong lumalaban ang bansa sa COVID-19 dahil ang pagbibigay ng tamang impormasyon ay napakahalaga sa sitwasyon ngayon.
Dapat dalhin ng ABS-CBN ang isyu sa Korte Suprema, ayon kay Sen. Francis Pangilinan sa paniwalang nagkaroon ng pag-abuso sa bahagi ng NTC dahil sinabi na mismo ni Justice Secretary Menardo Guevarra, maaring magbigay ng provisional authority ang NTC para sa patuloy na operasyon ng media network.
Sinabi ni Sen. Christopher Go, nasa Kamara ang bola at dapat kumilos ang mga kongresista.
Dagdag niya, sakaling umabot sa Senado ang prankisa, ang kanyang magiging boto ay base sa kanyang konsensiya at para sa interes ng sambayanang Filipino.
Panghihimasok naman sa lehislatura, ayon kay Sen. Richard Gordon, ang ginawa ng NTC dahil nasa deliberasyon ng mga mambabatas ang prankisa.
Ayon kay Gordon, kung may mga paglabag ang ABS-CBN sa kanilang franchise agreement, hayaan ang hudikaturang magdesisyon at magpataw ng kinauukulang multa. (CYNTHIA MARTIN)