“MAGPAHINGA ka muna mahal naming istasyon. Hindi pa tapos ang laban,” ito ang post ni Angeline Quinton kasama ang logo ng ABS-CBN.
Malaki ang nagawa ng Kapamilya Network sa pagbabago ng buhay ni Angeline simula nang manalo siya sa patimpalak na Star Power, 2011. Pagkalipas ng nine years ay nakapagpatayo ng sarili niyang bahay si Angge kasama ang Mama Bob niya, naipagawa ang lumang bahay sa Sampaloc na ngayon ay pinare-rentahan at nakatulong sa mga kaanak.
Dahil sa ABS-CBN, nakilala sa buong mundo si Angeline dahil sa mga programang nilalabasan niya at naging daan ito para maimbitahan siya sa mga show sa pamamagitan ng TFC.
Malaki ang epekto ng pagsasara ng network kay Angeline at sa iba pang Kapamilya stars dahil tulad din sila ng 11,000 employees na umaasa ng ikabubuhay sa pamamagitan ng mga programang nilalabasan nila.
Post ng mang-aawit, “Kanina pa ako gising. Hindi ako sanay sa ganitong pakiramdam. Ang daming malungkot. Hindi po ako sanay ng malungkot. Sa lahat ng kasamahan ko sa trabaho, sa lahat ng mga kaibigan ko, sa lahat ng kasama ko sa Pangalawang Tahanan ko.
“Gusto ko po kayong yakapin isa-isa. Hindi natin papabayaan ang Abs-Cbn. Habang buhay. Magkakasama tayo Kapamilya.
“Nasasaktan po ako. Hindi dito magtatapos lahat. Hihintayin kong dumating ang araw na makita ko kayo ulit.
“Makakapagtrabaho tayo ng masaya at magkakasama ulit. Walang magpapaalam, mahabang commercial lang.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan