DUMISTANSIYA ang Palasyo sa inilabas na kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) na itigil ng ABS-CBN at mga radio station nito ang pagsasahimpapawid dahil wala silang prankisa mula sa Kongreso.
Ang cease-and-desist order ng NTC laban sa ABS-CBN ay inilabas dalawang araw matapos magbanta si Solicitor General Jose Calida sa komisyon laban sa paglalabas ng provisional authority para sa nasabing network.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang broadcast franchises ay nasa awtoridad ng Kongreso at ito lamang ang may karapatang magpasya sa pagkakaloob ng prankisa sa ABS-CBN at alinmang broadcasting company.
Giit niya, tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paumanhin ng ABS-CBN noong nakalipas na Pebrero at ipinaubaya sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang paglalabas ng desisyon sa franchise renewal ng naturang network.
Malaya aniya ang ABS-CBN na gawin ang lahat ng legal na paraan para mabago ang desisyon ng NTC.
“We thank the network for its services to the Filipino nation and people especially in this time of COVID-19. But in the absence of a legislative franchise, as we have earlier said, ABS-CBN’s continued operation is entirely with the NTC’s decision,” ani Roque.
Noong 1996 at 1997, ipinagkaloob ng NTC ang tatlong provisional authorities sa GMA network para maituloy ang operasyon ng kanilang DXRC-AM broadcasting at DXLA-TV station parehong nasa Zamboanga City at VHF-YV station sa Dumaguete City habang nakabinbin ang kanilang aplikasyon para sa prankisa.
Matatandaan, sa ilang talumpati ni Pangulong Duterte ay nagbanta siyang ipasasara ang ABS-CBN matapos iere ang isang political advertisement laban sa kanya at hindi pagsasahimpapawid nang buo ang binayaran niyang campaign advertisement noong 2016 presidential elections.
“Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan [a renewal], I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out,” ayon kay Pangulong Duterte sa oath taking ng mga bagong talagang government officials sa Malacañang noong 3 Disyembre 2019.
Habang noong 30 Disyembre 2019 sa kanyang pagbisita sa earthquake victims sa Cotabato ay sinabi niya: “Itong ABS, mag-expire ang contract ninyo, mag-renew kayo, ewan ko lang kung mangyari. Ako pa sa ‘yo, pagbili na ninyo ‘yan.”
Magugunita rin na isiniwalat ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na nais ni Pangulong Duterte na gawing plataporma ang ABS-CBN para tiyakin ang panalo ng kanyang mga manok sa 2022 elections kapag nabili ito ng Davao Group.
Sa vlog ng dating senador na Trx O Trillanes Explains, isiniwalat niya ang umano’y mga kaalyado ni Pangulong Duterte na bumubuo ng Davao Group ay nais bilhin ang Kapamilya network.
Aniya, kaya umano nagbabanta ang Pangulo na harangin ang renewal ng prankisa ng ABS-CBN para bumagsak ang halaga sa stock market upang mapilitan ang may-ari nito na ibenta ang estasyon.
(ROSE NOVENARIO)