PINAYAPA ng Malacañang ang lumalakas na reklamo ng overseas Filipino workers (OFWs) hinggil sa tila pangho-hostage ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) sa kanilang hanay, matapos sabihing ibibigay sa kanila ang overseas employment certificate (OEC) bago umalis ng bansa kahit hindi magbayad ng PhilHealth premiums.
Sa Malacañang virtual press briefing kahapon, inianunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing boluntaryo ang pagbabayad ng OFWs ng PhilHealth premiums.
“Inatasan na po ng Presidente ang POEA at OWWA na huwag gawing requirement ang pagbabayad ng PhilHealth para makuha iyong Overseas Employment Certificate (OEC). So, hindi na po kayo ‘hostage,’” sabi ni Roque.
Nauna rito, umani ng matinding pagbatikos ang administrasyong Duterte mula sa iba’t ibang politiko at migrant workers groups sa pahayag ng PhilHealth na kailangan magbayad ng 3% ng kanilang buwanang sahod ang OFW bago maisyuhan ng OEC ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Sinabi ni Roque, sinuspende ng Department of Health ang Item 10.2.C ng implementing rules and regulation ng Universal Healthcare (UHC) na nagpapataw ng mas mataas na kontribusyon habang nanatili ang pandemyang coronavirus (COVID-19) sa bansa.
Samantala, nanawagan si Roque sa bagong liderato ng PhilHealth na pag-aralan ang mga reklamo kaugnay sa ‘ghost patients’ at ‘ghost dialysis’ na nakabinbin sa Ombudsman.
Kaugnay sa report na nagtamasa ng mahigit isang bilyong benepisyo at bonus ang mga dating opisyal ng PhilHelath, iginiit ni Roque na zero tolerance si Pangulong Duterte sa korupsiyon. (ROSE NOVENARIO)