IDINADAAN na lang sa pagsasayaw, pagkanta, pag-exercise ng hula-hoop, at tiktok ng komedyanang si Kitkat Favia ang kanyang stress dahil magda-dalawang buwan na siyang tengga sa bahay at walang kinikita.
No work, no pay si Kitkat dahil sa Enhance Community Quarantine lockdown dahil kabilang siya sa entertainment industry. Bukod sa pagiging artista ay rumaraket din bilang performer ang aktres sa comedy bars.
Hindi inasahan ni Kitkat at ng asawang si Walby Favia ang lockdown at aminadong wala na silang budget dahil bukod sa kanilang mag-asawa ay kargo rin ng una ang magulang niyang parehong senior citizen na solong nakatira malayo sa lugar nila.
Parating kinukumusta ni Kitkat ang magulang kung may ayuda na silang natatanggap at kung sino ang bumibili ng maintenance nilang gamot dahil nga hindi sila nakalalabas na ng bahay simula pa noong Marso 15.
“Mabuti na lang may kapitbahay silang napakiusapan ko na bilhan sila ng gamot sa Mercury, kasi wala talaga silang mautusan, wala silang masabihan, nagtatawagan lang kami araw-araw para kumustahin sila,” saad ni Kitkat sa amin.
At sa pagtatapos ng ECQ sa Mayo 15 ay hindi pa rin alam ni Kitkat kung anong mangyayari sa entertainment industry dahil kamakailan ay inihayag ni Presidente Rodrigo Duterte na pagkatapos ng enhance community quarantine ay hindi na muna maibabalik sa normal ang buhay ng mamamayang Pinoy hangga’t hindi pa nakakukuha ng gamot sa Covid-19.
General Community Quarantine o GCQ ang kasunod pagkatapos ng ECQ at hindi papayagan magbukas ang mga negosyong may kinalaman sa entertainment-related dahil sa mass gatherings tulad ng theaters, cinemas, large concerts, festivals, carnivals, conventions, shows, at pubs and bars.
At dahil dito ay ini-repost ni Kitkat ang post ng kapwa niya performer.
“Isa ako sa mga PINOY PERFORMER / BAR ENTERTAINERS na apektado ng COVID19 krisis. Kalimitan sa amin ay Self Employed, No Work No Pay, No Benefits.
“Totoo na bilang isang Performer / Bar Entertainer, mas malaki ang kinikita namin kumpara sa ibang trabaho at malimit na iniisip pa na mas madali ang trabaho namin bilang isang mang-aawit, mananayaw o kahit na ang pagpapatawa. May punto naman sila pero ito ang hindi alam ng nakararami.
“OO mas malaki ang sweldo namin pero mas malaki din ang gastos namin sa pagbili ng bagong damit at bagong gamit dahil kailangan namin yun sa trabaho namin na kalimitan ay ibinebenta o ipinamimigay din namin kasi di rin namin pwedeng gamitin ng paulit ulit.
“OO mukhang madali lang ang trabaho namin kasi naka upo lang kayo habang pinapanood kami pero ang totoo mahirap dahil habang kayo ay naka upo, kami naman ay MAGDAMAG nakatayo ,nagsasalita o tumutugtog ng instrumento na hawak namin na minsan ay nagiging dahilan din ng aming pagkaka-sakit at kailangan namang gumastos pambili ng mga gamot or sa pagpapagamot.
“OO nakikita nyo kami na laging masaya sa entablado pero ang totoo karamihan sa amin ay nagpapangap lang na masaya dahil paano kami papasukin sa bars kung makikita nyo kaming malungkot at dala dala ang mga personal naming problema, trabaho namin ang pasayahin kayo sa abot ng aming makakaya kaya napag aralan na namin ang magkubli ng aming tunay na nararamdaman.
“OO kalimitan sa mga napapanood n’yo sa amin ay mukhang mayayaman pero ang totoo mas marami din ang kagaya n’yo na kinakapos din sa buhay, hindi naman lahat ay malaki ang sweldo ng mga bar entertainers/performers, at baka magulat kayo kapag nalaman nyo ang sweldo ng iba sa amin ay halos kaparehas lang ng sa inyo, (swerte nga kayo kahit absent may aasahang sweldo) kaya nga kung napapansin nyo ay masayang masaya kami kapag may nagpapa-abot ng TIP sa amin, malaki man o maliit dahil dagdag kita na rin yun sa isang gabi namin.
“OO alam namin na nagtatanong kayo kung bakit mas pinili namin ang ganitong trabaho kahit alam namin na pwede naman kaming pumasok sa isang kumpanya na buo ang benepisyo na pwede naming matangap, kasi masaya kami sa ginagawa namin at may ilan din sa amin na pagmamahal na lang sa trabaho ang dahilan kung bakit sila nananatili dito, at tulad ng iba, ito na ang kinamulatan nila at alam na trabaho at dito na nila binuhos ang mga nagdaang taon sa buhay nila.
“OO kailangan din namin ang suporta ng Gobyerno hindi dahil sa wala kaming naipon sa gabi-gabing pagtatanghal namin, kundi dahil una bahagi din kami ng mga pinoy na nawalan ng trabaho at matagal pa bago makabalik ulit, pangalawa karamihan sa amin ay bumubuhay ng pamilya namin, may asawa, may anak at may mga magulang na umaasa sa amin, pangatlo ilan sa mga bar entertainers ay may edad na rin na kailangan na din ng gamot na dati ay hindi naman namin hinihingi sa gobyerno dahil may pambili naman kami pero dahil nga sa walang trabaho ngayon, saan namin ito kukuhanin.
“OO may ipon kami, pero katulad ng isang nauupos na kandila, patuloy ang pag upos at labas ng ipon sa mga bayarin at pambili ng pagkain or kailangan ng pamilya hindi sapat ang ipon na ito para sa pang matagalang panahon na walang trabaho lalo pa at hindi naman prayoridad sa ngayon ang BARS or entertainment scenes na mabuksang muli dahil iniiwasan nga natin na mas lumala ang krisis ng pagkakasakit nang dahil sa pakikisalamuha.
“OO isinulat ko ito para iparating sa lahat na KATULAD n’yo din kami na apektado sa nangyayari tulad ng nasa LARAWANG ito eto po kami kapag nagpeperform at pareho n’yo lang kami kapag walang TRABAHO, ang meron lang kami ay ang aming SARILI kasama ang INSTRUMENTO o TALENTO na syang haligi namin sa gabi-gabi naming trabaho na ngayon ay WALA NA at mukhang matatagalan pa bago pa man makabalik.
“OO Kailangan po namin ang TULONG nyo. Kung isa ka sa FILIPINO ENTERTAINERS na apektado din kindly SHARE this post.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan