SUPORTADO ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang desisyon ng Korte Suprema na i-decongest ang mga overcrowded na bilangguan, sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19 o coronavirus disease 2019.
Nauna rito, inianunsiyo ng isang Supreme Court official na halos 10,000 bilanggo ang napalaya para mapaluwag ang mga siksikang bilangguan.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang desisyon ng Korte Suprema ay makataong aksiyon sa pagsusulong ng social restorative justice dahil pinagagaan nito ang dalahin ng persons deprived of liberties (PDLs) at ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na puspusan ang pagtatrabaho para maipatupad ang mga panuntunan ng Department of Health (DOH) at maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga bilangguan.
“Malaking tulong ito sa ating mahihirap at matatandang nakapiit sa ating mga pasilidad na mabigyan sila ng pagkakataong makapiling muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Malaking ginhawa rin ito sa ating mga tauhan sa BJMP dahil mababawasan ang kanilang mga alalahanin sa gitna ng banta ng COVID-19,” ani Año, sa isang pahayag.
Pinasalamatan rin ng kalihim si Chief Justice Diosdado Peralta dahil sa paglalabas ng Administrative Circular 39-2020, na nagkakaloob ng reduced bail para sa mga taong ang krimen ay may katapat na parusang reclusion temporal o pagkakakulong ng 12 taon at pataas hanggang 20 taon habang ang mga may kaso naman na ang katapat na parusa ay anim na buwan pababa ay maaaring palayain batay sa recognizance.
Tinukoy ni Año ang datos, apat sa 468 BJMP facilities sa buong bansa ang nakapagtala ng COVID-19 cases.
Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, base sa tala ng BJMP, may 3,000 PDLs sa buong bansa ang kalipikado sa ilalim ng bagong guidelines ng SC at maaaring mapalaya sa sandaling matanggap ng BJMP facilities na kanilang kinaroroonan ang kautusan ng hukuman. (ALMAR DANGUILAN)