NANINDIGAN ang Department of Health (DOH) sa pahayag na masyado pang maaga para ideklarang masabing “the curve is flattening” o napababa na ng tuluyan ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may mga indikasyon na ikinokonsidera para matukoy kung humuhupa na ang bilang ng tinatamaan ng sakit.
“Too early to say, hindi pa natin ‘yan masabi with all of these things that we are doing, wala pa tayo roon sa punto na puwede na tayong makapag-analyze at makapagsabi that we have already flattened the curve,” ani Vergeire sa virtual press conference.
Aminado ang opisyal na hindi rin updated ang inilalabas nilang mga datos kada araw sa bilang ng mga bagong kaso, namamatay, at gumagaling.
Mayroon pa raw kasing gap sa turnaround time ng mga datos at resulta.
Unang sinabi ni Usec. Vergeire na bumagal ang “doubling time” o pagdoble ng mga naitatalang kaso ng sakit sa nakalipas na araw, batay sa obserbasyon ng ilang eksperto.
“Bumabagal ang case doubling time, mas magandang indikasyon iyon kasi ibig sabihin hindi ganoon (mabilis) ang pagtaas ng numero ng kaso,” ayon sa opisyal.
Para sa DOH, makikita lang ang malinaw na sitwasyon ng COVID-19 sa bansa kapag tuluyan nang lumakas ang kapasidad ng mga laboratoryo sa testing.
“Ang ating goal is by April 30, maka-reach tayo ng at least 8,000 tests per day. Once we can do that, we will be able to somehow detect ‘yung tamang detection at makikita na natin ‘yung actual picture.”
Paglilinaw naman ni Dr. Beverly Ho, officer-in-charge ng Health Promotion and Communication Service, hindi ibig sabihin na kinikilala ng ahensiya ang obserbasyon ng mga eksperto ay tuluyan nang humupa ang COVID-19 cases. (CYNTHIA MARTIN)