HINDI na magsasalita si Cabinet Secretary Karlo Nograles para sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
“Yes, nagkaroon na ng pag-utos ang ating Executive Secretary (Salvador Medialdea) that information sharing will now be centralized through the Office of the Presidential Spokesperson,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa ginanap na virtual press briefing kahapon.
Batay aniya sa memorandum ni Medialdea, si Dr. Maria Rosario Vergeire, undersecretary ng Department of Health, ay mananatiling spokesperson sa mga isyu na may kinalaman sa public health.
“The memo said the only authorized persons to speak on behalf of government are number one, the presidential spokesman, and number two, Usec. Vergeire of DOH for health related matters,” aniya.
Noong Miyerkoles ay hindi na nagsagawa ng kanyang daily virtual press briefing si Nograles at walang abiso sa media kung ano ang dahilan kung bakit ito inihinto.
May umugong na balitang nagkaroon umano ng “turf war” sina Roque at Nograles.
Pinaalalahanan umano ng Palasyo si Nograles na hanggang IATF-MEID resolutions lamang ang puwede niyang talakayin sa virtual press briefing at hindi ang mga may kaugnayan sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ibinalik si Roque bilang presidential spokesman dahil kailangan ng ibang approach sa propaganda ng administrasyon kaugnay sa laban sa COVID-19. (ROSE NOVENARIO)