BIBIGYAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ng P10 milyong pabuya ang sinomang Filipino na makatutuklas ng bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19).
Inianunsyo ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kahapon sa virtual press briefing sa Palasyo.
“Sisimulan ko po sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo sa ilang mga punto na nais iparating sa inyo ng Pangulo. Unang-una dahil Public Enemy Number 1 nga po itong COVID-19 ‘di lang dito sa Filipinas kundi sa buong mundo, inianunsiyo po ng Pangulo na siya ay magbibigay ng pabuya ng hanggang P10 million sa kahit sinong Filipino na makadidiskubre ng vaccine laban sa COVID-19,” ani Roque.
Mgbibigay rin aniya ng malaking halaga ang Pangulo sa University of the Philippines (UP) at UP-Philippine General Hospital upang maka-develop ng bakuna kontra COVID-19.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na tatanggalin niya ang ECQ kapag may mabibili nang gamot o bakuna laban sa COVID-19.
May dalawang pharmaceutical companies ang aniya’y gumagawa ng lunas sa COVID-19 at posibleng ipagbili na ito sa susunod na buwan.
Tiniyak ng Pangulo na nakahanda ang Filipinas na pumila sa mga bansang nais subukan ang Avigan (Favipiravir), isang Japanese anti-viral drug, bilang lunas sa COVID-19. (ROSE NOVENARIO)