ANOMANG oras ay ibabalik ang implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) kapag nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin na ito sa Abril 30.
Sinabi ni Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) spokesperson Karlo Nograles, ibabase ng Pangulo ang desisyon sa kapalaran ng ECQ sa paglobo ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Nograles, kailangan maging handa ang mga mamamayan sa pagbabalik ng ECQ sakaling tanggalin ito sa katapusan ng buwan o patuloy na ipatupad sa ilang piling lugar.
“If ever anoman ang maging decision natin, may ‘caveat’ ito. ‘Pag sumipa uli ‘yung numero, ‘pag nakita natin na medyo tumaas uli , we have to be prepared,” aniya.
“Kailangan magdesisyon na mabilis ang pamahalaan. Na kailangan mag-estrikto uli, mag-enhanced community quarantine uli either as a whole or in particular localities,” paliwanag niya.
Gaya aniya ng payo ng World Health Organization (WHO), hindi puwedeng basta na lamang alisin ang ECQ bagkus ay tanggalin ito nang dahan-dahan o ideklara ang mga sektor na maaaring magsagawa muli ng operasyon.
Kapag nangyari aniya ito, kailangan magpatupad ng mga bagong patakaran kaugnay sa ECQ.
“Piliin natin kung ano ‘yung mga puwedeng magbukas at ‘yung workforce na puwede nating payagan na magtrabaho, ano ‘yung mass transport systems na papayagan natin.
“Kung papayag si Pangulong Duterte may bagong do’s and don’ts na naman tayo,” sabi ni Nograles
Ipipresinta ngayon ng isang task group sa pulong ng IATF ang panukalang mga hakbang na isasagawa ng pamahalaan matapos matuldukan ang ECQ o ‘new normal scenario’ at tatalakayin nila kay Pangulong Duterte para sa pinal na desisyon. (ROSE NOVENARIO)